HOME  ABOUT THE BANK  MONETARY POLICY  BANKING SUPERVISION  PAYMENTS & SETTLEMENTS  STATISTICS  FEEDBACK CORNER
   BSP NOTES & COINS  MONETARY OPERATIONS  LOANS-CREDIT & ASSET MGT  PUBLICATIONS & RESEARCH  REGULATIONS  PROCUREMENT

Feedback Corner

Publications and Research

Media Releases

Bangko Sentral Nagbabala Laban sa Text Scam Syndicate

11.22.2002

Nagpalabas muli ng babala si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Rafael Buenaventura laban sa lumalaganap na text scam, kung saan ang mga biktima ay pinagbabayad muna bago makuha ang diumano ay napanalunan nila sa raffle.

Ayon kay Governor, ang mga biktima ay nakatanggap ng text message na diumano ang numero ng kanilang cellphone ay nanalo sa raffle ng BSP mula isa hanggang dalawang milyong piso (P1 million hanggang P2 million ). Kapag tumawag ang may-ari ng cell phone, isang nagpapanggap na siya si Gov. Buenaventura ang nagsasabi na kailangan munang mag-bayad ng withholding tax bago makuha ang prize money.

Mabuti na lamang at marami sa mga nakatanggap ng mensahe ay tumawag muna sa BSP para liwanagin kung tutuo nga ito. Subalit sa kasamaang palad, ilan sa mga naniwala sa mga manloloko ay nakapag-bayad ng mula P20,000.00 hanggang P100,000.00. At gaya nga ng inaasahan, wala pa ring natatanggap na premyo ang mga ito sapagkat sila ay naloko ng mga manloloko. Ilan sa mga biktima na nagsumbong sa BSP ay nagsabi na pinabili pa sila ng hanggang dalawampung (20) pre-paid phone cards para maipadala ang PIN numbers nito. Ang ibig sabihin, ang gastos ng sindikato sa pagpapadala ng napakaraming text sa kanilang panloloko ay galing din sa ibang biktima.

Humingi na ng tulong ang BSP sa National Telecommunications Commission, ang ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa mga cell phone companies, para masugpo ang sindikato na ito. Ibinigay na rin ng BSP sa NTC ang mga numero ng telepono na ginagamit ng mga manloloko. Nagsumbong na rin ang BSP sa Anti-Money Laundering Council para imbestigahan ang mga bank accounts na ginagamit ng sindikato.

Wika ni Governor Buenaventura: “Inuulit po namin: walang pa-raffle para sa publiko ang BSP. Kapag nakatanggap kayo ng ganitong mensahe, huwag kayong maniwala at huwag kayong magpaloko. Ang dapat, isumbong ninyo sa NTC o sa pulis. Isipin po natin na kung tutuo na kayo ay nanalo sa raffle, hindi kayo gagastos; dapat kayo ang bibigyan ng pera.”

RSS Subscribe for updates

Archives