​Monetary Policy Report - August 2022

Report Highlights
​​




​Sa Kabuuan


​​​

​​

Itinaas ng BSP ang key policy rate sa 3.75%, mas mataas ng 50 basis points kumpara sa nakaraang 3.25%. Ito ay upang ma-anchor ang expectations sa bilis ng pagtaas ng presyo (inflation) at maiwasan ang paglagpas nito sa 2%-4% target range sa taong 2023.

​​

Inaasahang mananatiling mas mataas sa target range ang inflation sa mga darating na buwan, hanggang Q2 2023 bago ito makabalik sa loob ng target range sa Q3 2023.

May mga bagay na maaaring mas magpataas ng inflation sa 2022 at 2023. Kasama rito ang kakulangan sa supply ng isda, pagtaas ng presyo ng asukal, at mga panukalang pagtaas ng pamasahe.

​​

Inaasahan din ng mga ekonomista mula sa pribadong sektor na mas mataas kaysa target range na 2.0% to 4.0% ang inflation ngayong taon. Mananatili ito sa itaas na bahagi ng target range sa taong 2023, bago tuluyang bumaba sa 2024.

​​

Nananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa at tinatayang nakabalik na ang GDP sa pre-pandemic level sa ikalawang bahagi ng 2022. Inaasahan pa rin na makakamit ang growth target ng Gobyerno sa 2022

Ang mga hakbang na ito ay isinagawa ng BSP upang matulungang maibalik ang inflation sa target range sa susunod na taon. Patuloy ring sinusuportahan ng BSP ang mga aksyon ng gobyerno para tugunan ang mga isyu na may kinalaman sa supply na nagpapataas ng presyo ng mga bilihin.





Itinaas ng BSP ang key policy interest rate nito sa 3.75%.

Nagdesisyon ang BSP na itaas ang key policy interest rate sa 3.75% simula Agosto 19, 2022, mas mataas nang 50 basis points (bps) kumpara sa nakaraang 3.25%.

Ito ay upang ma-anchor ang expectations sa bilis ng pagtaas ng presyo (inflation) at maiwasan ang paglagpas nito sa 2%-4% target range sa taong 2023.

Habang tumataas ang key policy rate, tumataas din ang interes ng pagpapahiram ng mga bangko. Dahil dito, inaasahang mas maliit ang paggastos ng mga negosyo at pamilyang Pilipino, na siya namang magpapabagal sa inflation.

Ang epekto ng policy rate action ng BSP ay mararamdaman sa loob ng 12 hanggang 18 buwan.
​​​​​



Inaasahang bibilis pa ang inflation sa mga darating na buwan, bago unti-unting bumagal sa susunod na taon.

Sa pinakahuling taya ng BSP, maaaring umabot ang inflation sa pinakamataas nitong antas sa third quarter ng taong ito (Hulyo-Setyembre 2022). Mananatili naman itong mas mataas kaysa sa target range na 2.0%-4.0% hanggang sa second quarter ng susunod na taon (Abril- Hunyo 2023).

Unti-unti naman itong babagal hanggang sa bumalik sa target range, pagsapit ng third quarter (Hulyo-Setyembre) ng 2023—kasabay ng pagbaba ng pandaigdigang presyo ng langis at iba pang bilihin. Ang policy rate hikes ng BSP ay inaasahang makatutulong magpabagal sa inflation pagdating ng ikalawang bahagi (Hulyo-Disyembre) ng 2023.

Sa pinakahuling taya ng BSP, maaaring umabot ang average inflation rate sa 5.4% ngayong taon—mas mataas kaysa sa forecast na 5.0% na inanunsiyo noong Hunyo 23. Samantala, ang inflation sa 2023 ay maaaring umabot sa 4.0%, mas mababa kaysa sa taya na 4.2% noong Hunyo. Sa 2024, inaasahang 3.2% ang magiging average inflation, mas mababa kaysa sa huling taya na 3.3%.

Ang pinakahuling inflation forecasts para sa taong 2023 at 2024 ay pasok sa target range ng gobyerno na 2.0% to 4.0%.

​​
​​


​​
May mga bagay na maaaring mas magpataas ng inflation sa taong 2022 at 2023.

Ang mga maaaring magpabilis sa inflation ay mataas na presyo ng mga bilihin maliban sa langis sa pandaigdigang merkado, kakulangan ng supply ng isda sa bansa, ang pagtaas ng presyo ng asukal, at ang mga nakabinbing petisyon sa pagtaas ang pamasahe. Maaari namang bumaba ang demand at bumagal ang inflation kung mas matamlay kumpara sa inaasahan ang paglago ng pandaigdigang ekonomiya at kung muling tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
​​​​​


Inaasahan din ng mga ekonomista mula sa pribadong sektor na mas mataas kaysa target ang inflation ngayong taon. Mananatili ito sa itaas na bahagi ng target range sa taong 2023, bago tuluyang bumaba sa 2024.

Ayon sa survey na isinagawa ng BSP noong Agosto 2022, ang inflation expectations ng mga ekonomista mula sa pribadong sektor para sa taong 2022 ay lalong tumaas.

Inaasahan din nila na unti-unting babagal ang inflation sa 2023 at patuloy pang bababa sa 2024.

Ayon sa estimates ng mga pribadong ekonomista, nasa 5.4% ang average inflation sa taong ito at 4.2% naman sa susunod na taon. Sa taong 2024, inaasahang babalik ito sa target range na 2-4% at tinatayang nasa 3.7%.

Dahil sa global chain supply disruptions (o mga suliranin sa produksyon at paghatid ng produkto o serbisyo sa merkado), sa patuloy na pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar, at sa mga “second-round effects”, inaasahan din ng mga analyst na lalagpas ang inflation ngayong 2022 sa target range.

Nangyayari ang “second-round effects” kapag ang inflation na dulot ng supply issues--tulad ng mataas na pandaigdigang presyo ng langis na siyang dahilan upang tumaas din ang halaga ng produkto at serbisyo—ay nagtuloy-tuloy at nagbubunsod ng pagtaas ng sweldo at pamasahe.

Inaasahan din ng karamihan sa mga ekonomistang lumahok sa survey na higit pang itataas ng BSP ang policy rate nito nang mula 25 hanggang 150 bps sa natitirang bahagi ng taon. Inaasahan din nilang ititigil muna ng BSP ang pagtaas ng key interest rates sa taong 2023 at 2024.

​​



Nananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa at tinatayang nakabalik na ang GDP sa pre-pandemic level sa ikalawang bahagi ng 2022.

Lumago ang ekonomiya ng 7.4% mula Abril hanggang Hunyo 2022. Umabot naman sa 7.8% ang average growth nito sa unang bahagi ng taon (Enero-Hunyo 2022).

Mula Hunyo ng taong ito, ang antas ng produksyon ng ekonomiya ay pumantay na sa antas nito bago nag-umpisa ang pandemya.

Inaasahan din na mananatiling matatag ang ekonomiya sa mga susunod na buwan dahil sa pagbawas sa mobility restrictions at muling pagbubukas ng mga negosyo. Bunga ito ng pagdami ng mga Pilipinong bakunado laban sa COVID-19, pati na rin ang mga may booster shots.

​​​​​

Ang karagdagang pagtaas ng policy rate ng BSP ay upang i-manage ang inflation at ilapit ito sa upper end ng target range sa susunod na taon.

Sinusuportahan din ng BSP ang mga aksyon ng gobyerno upang maging sapat ang supply ng mga bilihin upang makamit ang price stability.

Sa taya ng BSP, 4.0% ang antas ng inflation sa susunod na taon. Ito ay nasa itaas ng target range na 2.0% hanggang 4.0%, kaya kinakailangan ang naaayon na policy action mula sa BSP upang ibaba ang inflation rate pabalik sa target range sa susunod na taon.

Ang mga hakbang na ito ay dapat sabayan ng gobyerno ng aksyon na tutugon sa mga supply issues upang maibsan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kasama na rito ang pagbigay ng ayuda sa mga pamilyang nangangailangan, pagpapalago ng produksyon ng pagkain, at pagpapaluwag ng limitasyon sa pag-angkat ng mga pangunahing bilihin.

Tinitiyak naman ng BSP na handa itong gawin ang kinakailangan upang maibalik ang antas ng inflation sa target range sa lalong madaling panahon, alinsunod sa mandato nito na panatilihin ang“price stability" at “financial stability”.

​​
​​








Itinaas ng BSP ang key policy interest rate sa 3.75%...
​​​​

Ibig sabihin. . .
Kalaunan ay magtataas din ang mga bangko ng interest rate sa mga pautang nito. Dahil tataas ang halaga ng interes na babayaran ng mga indibidwal at negosyo, mababawasan ang paggastos at unti-unting babagal ang demand. Ito ay hahantong sa mas mababa at banayad na inflation.
​​​​

Gayundin...
Mahihikayat ang mga bangko na magdeposito ng mas malaking halaga sa BSP dahil sa mas mataas na interes na kikitain. Mababawasan naman ang pautang ng mga bangko sa mga indibidwal at negosyo. Magbubunga ito ng mas mabagal na demand at mas banayad na pagtaas ng presyo.