​Monetary Policy Report - November 2022

Report Highlights
​​




Sa kabuuan


​​​

​​

Itinaas ng BSP ang key policy rate sa 5.0 percent, mas mataas ng 75 basis points (bps) kumpara sa nakaraang 4.25 percent.

Ang karagdagang pagtaas ng policy rate ay naglalayong pigilan ang tuluyang paglayo ng inflation expectations ng mga tao sa 2.0-4.0 percent target range ng inflation.

​​

Inaasahang mananatiling mataas ang inflation sa mga darating na buwan bago ito tuluyang makabalik sa target range.

May mga bagay na maaaring magpataas sa inflation sa 2022 at 2023. Kabilang dito ang mas mataas na pandaigdigang presyo ng mga pagkain, pagtaas ng pasahe, mas mataas na presyo ng asukal, prutas, at gulay, at ang posibleng patuloy na kakulangan sa supply ng ilang pagkain. Gayunpaman, ang matamlay na paglago ng pandaigdigang ekonomiya ay maaaring magpabagal sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

​​

Inaasahan din ng mga ekonomista mula sa pribadong sektor na ang antas ng inflation sa taong 2022 ay magiging mas mataas kaysa sa target range bago tuluyang makabalik sa target range sa taong 2024.

​​

Mas mataas ang kasalukyang antas ng ekonomiya kumpara noong panahon bago ang pandemya.

Ang gross domestic product growth sa taong ito ay inaasahang aabot sa target ng gobyerno na 6.5-7.5 percent. Bagama't mas mabagal, inaasahan ding mananatili ang growth momentum na ito hanggang 2023 at 2024.

Ang pagtataas ng policy rate ng BSP, kasama ang napapanahong pagpapatupad ng mga supply-side non-monetary measures ay kinakailangan upang mapabagal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mapanatili ang paglago ng ekonomiya.




Itinaas ng BSP ang key policy rate nito sa 5.0 percent.

Itinaas ng BSP ang key policy interest rate sa 5.0 percent simula 18 Nobyembre 2022, mas mataas ng 75 basis points (bps) kumpara sa nakaraang 4.25 percent.

Ang karagdagang pagtaas ng policy rate ay naglalayong pigilan ang tuluyang paglayo ng inflation expectations ng mga tao sa 2.0-4.0 percent target range ng inflation.

Ang mas mataas na policy rate ay makatutulong din laban sa mabilis na pagbaba ng halaga ng piso, na isa ring dahilan ng pagtaas ng mga presyo.

Ang magkakasunod na pagtaas ng policy rates ay naglalayong unti-unting maibalik ang inflation sa target range na 2-4 percent.

Ang karagdagang pagtaas na policy rate ay maaaring maghikayat na ipagpaliban muna ng mga kabahayan at negosyo ang paggasta para sa mga bagay na hindi pa nila kailangan. Nakikita rin na posibleng bumagal ang pagpapautang ng mga bangko at ang paggastos ng karamihan, na siyang makatutulong sa pagpapababa ng inflation. Gayunpaman, nananatiling stable ang mga bangko sa bansa at makakamit pa rin ng gobyerno ang target growth sa 2022.



Inaasahang mananatiling mataas ang antas ng inflation sa mga darating na buwan bago tuluyang makabalik sa target range.

Sa pinakahuling taya ng BSP, inaasahang aabot ang inflation sa pinakamataas nitong antas pagdating ng Q4 2022 at mananatiling mataas kaysa sa 2.0-4.0 percent na target range hanggang Q2 2023.

Inaasahan namang babagal at makakabalik ang inflation sa target range sa Q3 2023, at unti-unting makakarating sa mababang bahagi ng target range mula Q4 2023 hanggang Q1 2024. Sa kalaunan, inaasahang mapapanatili ang inflation malapit sa gitna ng target range pagdating ng Q2 2024.

Tinatayang 5.85 percent ang average inflation sa taong ito, 4.3 percent sa susunod na taon, at 3.1 percent naman sa 2024.

​​
​​


​​
May mga bagay na maaaring mas magpataas ng inflation sa taong 2022 at 2023.

Kabilang dito ang mas mataas na pandaigdigang presyo ng mga pagkain dahil sa tumataas na presyo ng pataba, masamang lagay ng panahon, at paghihigpit sa kalakalan na nagbubunga ng mas kaunting supply ng mga produktong inaangkat. Ang pagtaas ng halaga ng pamasahe at presyo ng asukal, prutas, at gulay sa bansa ay maaari ring magpataas pa lalo ng inflation. Kung hindi na ie-extend ang pagpapatupad ng Executive Order No. 171, Series of 2022, maaaring tumaas na rin ang taripa sa karne, bigas, mais, at langis--bagay na maaari ring magpataas sa inflation.

Sa kabilang banda, ang matamlay ng paglago ng pandaigdigang ekonomiya ay inaasahang magpapabagal sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
​​​​​


Inaasahan din ng mga ekonomista mula sa pribadong sektor na mas mataas kaysa sa target range ang inflation ngayong taon. Mananatili rin umano ito sa mataas na bahagi ng target range sa taong 2023, bago tuluyang bumaba sa 2024.

Sa pagdami ng sanhi ng price pressures, inaasahan ng mga analysts na lalagpas sa mas mataas na bahagi ng target range ang inflation ngayong taon.

Gayundin, inaasahang mananatiling mas mataas sa target ang inflation sa 2023. Bababa naman ang antas nito at lalapit sa mataas na bahagi ng target range pagdating ng 2024.

Ayon sa survey na isinagawa ng BSP nitong Nobyembre 2022, naniniwala ang mga ekonomista mula sa pribadong sektor na aabot sa 5.9 percent ang inflation sa taong ito--mas mataas sa 5.7 percent na resulta ng survey na isinagawa noong Oktubre 2022.

Ayon pa sa mga ekonomista, aabot sa 4.9 percent ang inflation sa susunod na taon. Mas mataas din ito kaysa sa nauna nilang taya na 3.8 percent.

​​



Mas malago na ang ekonomiya ngayon kumpara noong panahon bago ang pandemya.

Lumago ang ekonomiya base sa 7.6 percent gross domestic product (GDP) growth na naitala noong Q3 2022. Bahagyang mas mataas ito kaysa sa naitalang 7.5 percent noong Q2 2022, at 7.0 percent sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Ang mga sektor gaya ng wholesale, retail at manufacturing ay nakabalik na rin sa dating pre-pandemic na antas.

Inaasahang aabot sa target ng gobyerno ang paglago ng GDP sa taong ito. Inaasahang magtutuloy-tuloy ang paglago ng ekonomiya sa 2023 at 2024, ngunit ang paglago ay magiging mas mabagal.

Makatutulong sa paglago ng ekonomiya ang pagpapaluwag ng mobility restrictions, mas mataas na investments, muling pagsigla ng turismo sa bansa, at muling pagbubukas ng mga paaralan na nagpapasigla sa mga maliliit na negosyo.

​​​​​


Ang pagtaas ng policy rate ng BSP, at ang mga hakbang ng ibang ahensya ng gobyerno upang madagdagan ang supply ng mga pangunahing bilihin, ay kinakailangan upang mapabagal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mapanatili ang paglago ng ekonomiya.

Mas mabilis ang pagtaas ng antas ng inflation kaysa sa inaasahan. Meron na rin nakikitang second-round effects gawa ng pagtaas ng mga pamasahe.

Ang karagdagang pagtaas ng BSP ng policy rate ay inaasahang magpapahina sa price pressures na maaaring manggaling sa demand-side ng ekonomiya.

Naaapektuhan naman ng inflation expectations ang antas ng inflation sa hinaharap. Kung inaasahan ng mga tao na tataas nang husto ang presyo ng mga bilihin, maaari silang bumili ngayon ng mga bagay na kailangan nila sa hinaharap. Dahil dito, tataas ang demand sa mga produkto at serbisyo, na siyang namang higit na magpapataas sa inflation. Kaya naman ang epektibong pag-angkla ng inflation expectations sa target inflation ay makatutulong sa pagpapatatag ng presyo ng mga bilihin.

Mahalaga rin ang mga isinasagawang hakbang ng gobyerno upang palakasin ang supply ng pangunahing bilihin, lalo na iyong mga nakatuon sa pagpapalago ng produksyon.

Patuloy na magsasagawa ang BSP ng mga kinakailangang hakbang upang maibalik ang inflation sa target range sa lalong madaling panahon.

​​
​​








Itinaas ng BSP ang key policy interest rate sa 5.0 percent...
​​​​

Ibig sabihin. . .
Kalaunan ay magtataas din ang mga bangko ng interest rate sa mga pautang nito. Dahil tataas ang halaga ng interes na babayaran ng mga indibidwal at negosyo, maaari ring mabawasan ang paggastos at unti-unting bumagal ang demand. Ito ay hahantong sa mas mababa at banayad na inflation.
​​​​

Gayundin. . .
Mahihikayat ang mga bangko na magdeposito ng mas malaking halaga sa BSP dahil sa mas mataas na interes na kikitain. Mababawasan naman ang pautang ng mga bangko sa mga indibidwal at negosyo. Magbubunga ito ng mas mabagal na demand at mas banayad na pagtaas ng presyo.





Video: Media Briefing